INATASAN ni Pangulong Bongbong Marcos ang bagong talagang Health Secretary na si Teddy Herbosa na maghanda ng coronavirus (Covid-19) exit plan, at tutukan ang kaso ng tuberculosis at HIV.
“Gusto niya ng exit plan para makalabas na tayo sa COVID at magtuluy-tuloy iyong mga kinakailangan bagong bakuna, iyong mga tinatawag nating bivalent vaccines,” sabi ni Herbosa, na dating Special Adviser ng National Task Force Against Covid-19.
Noong nakaraang taon, inirekoment ng task force na dapat ay nakapaloob sa exit plan ng pamahalaan ang istrikto pa ring implementasyon ng health protocols.
Idinagdag ni Herbosa na prayoridad din na matanggal ang Pilipinas sa top 10 ng mga tinatamaan ng TB.
“Sinabi niya sa akin, number 9 ata tayo sa dami ng may tuberculosis compared sa ibang bansa. Gusto niya mawala tayo sa top 10 so tututukan natin yan, ang kanyang inutos na ‘yan,” ayon pa sa opisyal.
Isa pa rin na utos ni Marcos ay ang pagtutok sa tumataas na bilang ng kaso ng HIV.