UMABOT sa halos dalawang milyong miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ang nakilahok sa kanilang national rally for peace nitong Lunes sa Quirino Grandstand at iba’t ibang parte ng bansa.
Bagamat sinasabing pagpapakita ito ng kanilang pwersa para sa nalalapit na halalan, iginiit ng INC na walang “political” sa ginawang pagtitipon kahit pa dinaluhan ito ng ilang matataas na lider ng bansa na kaalyado ni Vice President Sara Duterte.
Sa briefing ng pulisya, sinabi ni Brig. Gen. Jean Fajardo, outgoing spokesperson ng Philippine National Police, umabot sa 1.58 milyon ang dumalo sa pagtitipon sa Quirino Grandstand.
Sinabi rin niya na naging payapa at walang naiulat na “untoward incident”.
Samantala sinabi ni INC spokesperon Edwil Zabala na walang kinalaman ang politika sa idinaos na peace rally bagamat ito anya ay isang “moral” call sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan.
Matatandaan na ipinatawag ng pamunuan ng INC ang rally para ihayag ang pagsuporta nito sa apela ni Pangulong Bongbong Marcos na huwag nang ituloy ang planong pag-impeach kay Duterte.
“Let’s forgive each other and be united so that we can achieve peace. It takes a lot of work, but if we’re all willing to go back to those basic principles, decency in our relationship with each other, and peace in our relationship with each other, hopefully things are going to get better,” ani Zabala.
“We are like a broken record here calling for peace and unity. But that’s what the people are clamoring for, even the nonmembers of the INC,” dagdag pa nito.
Sinabi rin nito na ang rally ay “basically in support of what the President himself said.”
“When he was interviewed, no one was asking whether what he was saying was a political statement. People took what he said at face value. So we’re hoping that in echoing what he himself said, people will also accept it at face value,” anya pa.
Sa kabila ng apela ni Marcos, tatlong impeachment complaint ang inihain na sa Kamara.