BINARIL at napatay ang isang habal-habal driver makaraan niyang ipagtanggol ang anak sa grupo ng kalalakihan na inakusahan ang huli na sumira sa kanilang motorsiklo sa Danao City, Cebu nitong Huwebes ng madaling araw.
Dead on arrival sa pagamutan ang biktimang si Alyas Noel, 37, bunsod ng ilang mga tama ng bala sa katawan. Sugatan naman ang kaibigan ng anak, 17, na binaril din ng mga suspek.
Ayon sa salaysay ng batang biktima, nasa labas sila ng basketball court ng anak ni Noel sa Sitio Calubihan, Brgy. Baliang alas-3:50 ng umaga nang lapitan sila ng tatlong lalaki at kumprontahin ukol sa nasirang motorsiklo.
Sa gitna ng pagtatalo, sinakal ng isa sa mga suspek ang anak ni Noel.
Nang malaman ang pangyayari ay sinugod ng habal driver ang mga suspek pero binaril siya ng isa sa mga ito.
Tinangkang tumakas ng batang biktima pero maging siya ay binaril din.
Nasakote sa followup operation ang mga suspek, kabilang ang isang Harold at isang Jerwin na kapwa 21 at mga residente ng Brgy. Sibacan.