NAKIKIUSAP sa kanyang mga kritiko si Diwata, ang nasa likod ng pinagkakaguluhang Diwata Pares, na tigilan na ang paninira sa kanyang tinda.
Iginiit ni Diwata (Deo Jarito Balbuena sa totoong buhay) na malinis ang ibinebenta niyang pares at iba pang putahe.
“Alam mo, hindi madumi ang pagkain ko. Nakikita ng tao ‘yan. Alam mo ang madumi? Mga ugali n’yo. ‘Yun ang marumi. linisin n’yo ‘yan,” aniya sa mga bashers.
Sinabi niya na pilit siyang ibinababa ng mga ito gayung ang nais lang niya ay magtrabaho nang marangal.
“Gusto ko lang makaahon sa kahirapan. Gumagawa ako ng tama. Lumalaban ako nang patas,” pahayag ni Diwata.
Sa kasalukuyan ay inaayos na niya ang mga permit para tuloy-tuloy siya na makapagtinda sa harap ng natanggap na notice of closure mula sa Business Permit and Licensing Office ng siyudad.
“Kapag hindi pa raw nag comply, isasara raw tindahan ko. Baka raw mababaan tayo ng closure order ‘pag hindi tayo nakapag- comply,” sabi niya.
“E matagal na akong nagko-comply kasi ilang beses na akong pinuntahan dito,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Diwata na nakausap na niya si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na binigyan umano siya ng mahaba-habang palugit para maayos ang mga permit.
“Nagpapasalamat po ako sa inyo (Mayor Calixto-Rubiano kasi ‘yung binigay mo sa akin na two months na palugit para ayusin ko lahat ng kailangan,” sabi niya.
“So ngayon po, walang closure na mangyayari. Tuloy pa rin po ang Diwata Pares, thank you so much. Tuloy pa rin ang laban,” wika pa ni Diwata.