INALMAHAN ng grupo ng mga bumbero na pinangungunahan ni Dr. Jose Antonio “Ka Pep” Goitia ang ginawang pahayag ng China na pag-aari nito ang Palawan.
Kinondena ni Goitia, first nominee ng party-list group na Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP), kasama ang ilan pang kasaping organisasyon nito na People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), Alyansa ng Bayan para sa KAPAYAPAAN at DEMOKRASYA (ABKD) at Liga ng Independencia sa Pilipinas (LIPI), ang patuloy na pangangamkam ng China hindi lang sa West Philippine Sea (WPS) kundi maging ang Palawan na rin.
Nanawagan si Goitia sa bawat Pilipino na manindigan laban sa patuloy na ginagawang paglalapastangan ng China sa soberenya ng Pilipinas.
“Isang malaking insulto sa ating mga Pilipino ang ginagawa ng Tsina dahil sa kanilang hindi makatuwirang pagsalungat sa mga pinaiiral na batas sa ilalim ng International Maritime Law (Law of the Sea) katulad
paglalagay ng hindi wastong siyam na dash line assertion” ayon kay Goitia.
Binatikos din ni Goitia ang pagpapakalat ng Tsina ng maling impormasyon na maaring magdulot ng hindi pagkakaumawaan na maaaring pagsimulan ng kaguluhan sa aspetong soberanya, kalayaan sa nabigasyon at maging sa maayos na pangangalakal ng iba’t ibang bansa.
Sinang -ayunan din ni Goitia ang naging desisyon sa ilalim ng United Nations Convention on the Laws of the Sea (UNCLOS) na ang Palawan ay bahagi ng Pilipinas base na rin sa geographical na location nito ay sapat na ebidensya na nagpapatunay na ang Palawan ay isang hindi maihihiwalay na bahagi ng arkipelago ng Pilipinas.
“Napakaganda ng Palawan dahil sa taglay nitong likas na yamang dagat, mga reserbang langis at gas na gustong pakinabangan ng Tsina kaya gusto nila itong angkinin” giit pa ni Goitia, kasabay ang panawagan na sa mga Pinoy na patuloy na ipaglaban hindi lamang ang Palawang kundi ang karapatan ng bawat Pilipino para na rin sa susunod na mga henerasyon.
“Huwag nating hayaang kamkamin at kunin ng mga dayuhan kung ano ang talagang para sa atin” giit pa nito. (Marisa Son)