ISANG grade 5 na estudyante sa Antipolo ang nasawi matapos magsuka, sumakit ang ulo makaraang sampalin diumano ng kanyang guro.
Ayon sa kwento ng ina ng bata, nagsumbong sa kanya ang anak sa diumano’y pananampal na ginawa ng kanyang guro.
Estudyante ang anak ni Elena Minggoy sa Peñafrancia Elementary School.
“Pagdating niya galing school nagsumbong siya sa akin, ‘mama mama sinampal ako ng teacher,” kwento ni Minggoy sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.
Pinagalitan umano ang kanyang aak dahil sa pag-iingay. Hinatak umano siya sa kwelyo tapos sinabunutan at saka sinampal, kwento pa ng ina.
“Tapos nagkuwento ‘yung anak ko noong sinampal siya, ‘Ma, para akong nabingi sa sampal ma. Sabi ng anak ko, ‘Ang sakit ng tainga ko, Ma.'”
Paulit-ulit umanong nagsumbong sa kanya ang anak.
Nakapasok anya ang kanyang anak ng tatlong araw pero nang umuwi ito noong Martes, Setyembre 26, bigla na lamang itong nagsuka, nahilo at nanakit ang ulo. Nagpadala na raw ito sa ospital dahil sa hindi na kaya ang nararamdaman.
Isinugod sa Amang Rodriguez Medical Center ang bata at na-comatose hanggang sa bawian ng buhay.
Iginiit naman ng guro na hindi niya ito sinampal kundi tinapik lang ang pisngi nito.
Nahaharap sa reklamong homicide at paglabag sa RA 7610 o Anti-violation against women and children.