WALA nang buhay ang isang elementary school pupil nang matagpuan sa taniman ng pinya sa Tupi, South Cotabato matapos itong iniulat na nawawala
Base sa ulat ng pulisya, huling nakitang buhay ang 10-anyos na biktima habang naglalakad pauwi ng paaralan noong Biyernes.
Nang sunduin ng ama ay sinabihan ito ng sekyu na nakauwi na ang bata.
“Nagtaka siya na ang sabi ng guwardiya, umuwi na raw ang bata so umuwi siya. Dumating ang alas-singko ng hapon hanggang magdilim na wala pa rin ang bata na nakarating sa kanilang bahay,” ani Tupi Police deputy chief Police Lt. Richard Ho.
Agad na ginalugad ng mga kapitbahay at pulis ang lugr para hanapin ang paslit, na natagpuan sa creek sa taniman ng pinya.
May sugat sa mukha ang paslit, ayon kay Ho.
Agad namang nadakip ang 44-anyos na kapitbahay ng biktima na huling nakitang kasama ng huli.
Habang kinukunan ng fingerprint sa presinto, inagaw ng suspek ang service fireatm ng isa sa mga pulis. Pero bago pa niya ito naiputok ay binaril siya sa ulo ng isa pang pulis.
Dead on arrival sa ospital ang suspek.
Kinondena ng Department of Education ang pagpatay sa bata at nakiramay sa pamilya.
“The Department of Education (DepEd) deplores the murder of a 10-year-old learner in Tupi, South Cotabato as she was heading home from school. DepEd extends its deepest condolences to the bereaved family, friends, and classmates of the victim during this time of grief,” ayon sa kalatas.