DAPAT managot ang sinomang responsable sa paglubog ng bangka sa Laguna de Bay kamakailan na ikinasawi ng 27 katao, ayon kay Senador Grace Poe.
Sa isang kalatas, sinabi ni Poe na handang magsagawa ng imbestigasyon ang Senate committee on public services upang mabusising mabuti ang nangyaring paglubog ng bangkang de motor na Aya Express nitong Biyernes.
“Nakakagalit at nakakalungkot itong nangyaring ito. Hindi biro ang pagkawala ng ganong karaming buhay dahil lang sa kapabayaan o baka sa pangungurakot, kaya dapat nating alamin sa imbestigasyon,” ayon kay Poe.
“Dapat mapanagot kung sinoman ang responsable sa trahedyang ito,” dagdag pa ng senador.
Sa gagawing imbestigasyon, masasagot ang mga katanungan kung bakit anya pinayagan ng Philippine Coast Guard na bumiyahe ang bangka sa gitna ng malakas na hangin at ulan na dala ng bagyong Egay.
Bukod dito, dapat din anyang sagutin ng PCG kung bakit sobra ang bilang ng pasahero sa kapasidad na kaya nito. Ayon kay Poe, ang maximum na capacity ng bangka ay 42, subalit umabot sa 70 katao ang sakay nito nang maaksidente.
Wala rin anyang mga life vest ang mga pasahero.
Lumubog ang bangka sa Laguna de Bay sa bahagi ng Binangonan, Rizal nitong Biyernes na ikinasawi ng 27 katao.
Dalawang tauhan ng PCG ang tinanggal na sa puwesto.