HINDI dapat mabinbin ang railway project ng pamahalaan dahil lamang sa ginawang pag-atras sa request na official development assistance mula sa China.
Ayon kay Poe, chairperson ng Senate committee on public services, hindi dahil sa inihinto ang request para sa ODA ay ititigil na rin ang programa.
Ginawa ni Poe ang pahayag matapos sabihan ng Department of Finance si Chinese Ambassador Huang Xilian na hindi na nito itutuloy pa ang ODA request para sa P83 bilyong Mindanao Railway Phase1 Tagum-Davao-Digos segment.
Ayon kay Poe dapat maghanap ang pamahalaan ng ODA mula sa ibang bansa o ibang funding options para matugunan ang kinakailangang pondo sa nasabing proyekto.
“In the past years, Chinese banks have also kept us in suspended animation with delays in our loan applications putting in limbo a number of government projects,” anya.
“Hindi kawalan ang pag-aatras ng official development assistance (ODA) ng China para sa railway projects,” giit pa ng senador.
Makabubuti rin anya ang ginawang pag-atras dahil “mukha lang itong maganda pero kasama nito ang napakataas na interes at iba pang bagay na maaaring makasama sa ating bansa sa kalaunan.”