KASAMA ang ilaang kaanak at mga tagahanga, ginunita ni Senador Grace Poe ang ikalawang death anniversary ng inang si Susan Roces sa pamamagitan ng isang Misa at pamamahagi ng regalo.
Dumalo si Poe sa isang maagang Misa sa Sanctuario de San Jose sa San Juan City bago nagtungo sa libingan ng mga magulang na sina Roces at Fernando Poe Jr sa Manila North Cemetery.
Sa libingan, namahagi naman ang anak ni Poe at kanyang chief of staff a chair ng FPJ Panday Bayanihan Foundation na si Brian Poe Llamanzares ng food packs sa mga 200 pamilya na naninirahan sa loob ng sementeryo.
Ayon kay Poe, madalas niya umanong nami-miss ang usapan nilang mag-ina, lalo na ang payo nito. Sa kanya umano siya humuhugot ng lakas at katatagan ng loob.
“Sa dami ng nangyayari sa ating bansa at sa ating personal na buhay, nami-miss mo ‘yung taong nagbibigay ng tatag at pakiramdam na panatag,” ayon sa senador.
“We recall with great affection Susan Roces’ meaningful life, her legacy to the entertainment industry, and all she meant to many of us,” dagdag pa nito.
Ayon naman kay Llamanzares, naaalala niya ang kanyang lola bilang mapagkalinga sa mga bata.
“Mama Susan was a very caring person. I’m sure she would have been happy to know we celebrated today with a simple community lunch. The kids all seemed happy as well,” pahayag naman ni Llamanzares.
Namatay ang aktres noong Mayo 20, 2022 sa edad na 80.