Goitia, makabayang grupo nakiisa sa paninindigan ni DND chief vs China

NAGPAHAYAG ng buong suporta si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ng Liga Independecia Pilipinas (LIGA) para kay Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro, matapos ang matapang na pahayag nito laban sa dalawang opisyal militar ng Csina sa 2025 Shangri-La Dialogue na ginanap sa Singapore kamakailan.

Kasama ni Goitia sa paghahatid ng kanilang suporta ang tatlong makabayang grupo na bumubuo ng LIGA – ang ang Alyansa ng Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, at People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER).

Pinuri ng grupo ni Goitia ang mahinahon ngunit matatag na tugon ni Teodoro, na umani ng palakpakan mula sa mga dumalo sa forum.

“Ang layunin ng mga tanong ay halatang mambuyo, pero hindi nagpatalo si Secretary Teodoro. Pinatunayan niya ang kanyang liderato at prinsipyo bilang tunay na lingkod-bayan,” ayon kay Goitia.

Buong-buo ang suporta ng kanilang mga grupo sa pahayag ng Kalihim: na ang Pilipinas, bagamat bahagi ng ASEAN, ay isang malayang bansa na may sariling teritoryo at karapatang nakasaad sa UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea).

Binigyang-diin ni Goitia ang paulit-ulit na panggigipit ng China sa mga Pilipinong mangingisda at sa mga barko ng bansa, kabilang na ang paggamit ng water cannon at laser, na aniya’y sobra na at hindi na dapat palampasin.

Bilang tugon, magsasagawa ng kilos-protesta ang PADER sa Mendiola at sa harap ng Chinese Embassy sa Makati. Ang ABKD at FDNY naman ay magra-rally sa harap ng tanggapan ng DND bilang pagpapakita ng suporta sa ahensya at kay Secretary Teodoro.

“Hindi sapat ang salita. Panahon na para tumindig tayo sa harap ng mga umaabuso sa ating soberenya,” ani Goitia.

Ang Shangri-La Dialogue ay isang taunang pagpupulong ng mga kalihim ng depensa, matataas na opisyal militar, at eksperto sa seguridad sa rehiyon ng Asia-Pacific upang talakayin ang mga hamon at pagtutulungan ng mga bansa. Ang paglahok ni Secretary Teodoro ngayong taon ay nagsilbing matatag na tinig ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.