IPINAGTANGGOL ni Dr. Jose Antonio Goitia, chairperson emeritus ng alyansa nga mga civic organization, si Defense Secretary Gilbert Teodoro matapos itong batikusin ng Chinese Embassy dahil sa mga naging pahayag nito tungkol sa West Philippine Sea.
“Walang bastos sa pagtatanggol ng Pilipinas,” ang matapang na tugon ni Goitia, kilalang tagapagsulong ng soberanya ng bansa, kasunod ng reaksiyon ng Chinese Embassy sa pahayag ni Teodoro.
“Hindi ito pambabastos. Hindi ito pagyayabang. Ito ay matapat at makabayang paninindigan. Karapatan nating mga Pilipino ang ipinaglalaban niya,” ani Goitia.
Dagdag nito, hindi na rin anya siya nagulat sa naging pahayag ng China. Aniya, matagal nang ginagamit ng China ang kapangyarihan at impluwensiya nito upang patahimikin ang sinumang tumutuligsa sa kanilang mga kilos.
“Kapag nagsalita ng diretso’t totoo, ang tawag nila agad ay ‘destabilizing.’ Pero ang totoo, iyon ang kailangan natin—mga lider na hindi natatakot magsabi ng totoo,” dagdag pa niya.
Pinuri ni Goitia ang pagiging prangka ni Teodoro sa pagsasabing hindi Amerika ang ugat ng tensyon sa WPS, kundi ang patuloy na agresyon ng China.
“Taon-taon tayong ginagapang, inaagawan, pinapasok sa sarili nating teritoryo. Kapag may hindi kilalang pumasok sa bahay mo, sisisihin mo ba ang kapitbahay mo? Siyempre, ang dapat harapin ay ang mismong nanghihimasok,” paliwanag niya.
Ngunit higit pa sa paninindigan, may mungkahi rin si Goitia para sa mas konkretong hakbang.
“Balikan natin ang December 1987 Manila Declaration ng ASEAN, lalo na ang konsepto ng ZOPFAN o ‘Zone of Peace, Freedom and Neutrality.’ Kailangan natin ng kolektibong pagkilos mula sa ASEAN para baguhin ang sistemang pinapaboran ang iilang bansa, gaya ng China sa UN Security Council.”
Ayon kay Goitia, ang laban sa WPS ay hindi lamang laban ng pamahalaan, kundi laban ng bawat Pilipino.
“Ang isda, likas na yaman, at seguridad sa WPS ay para sa Pilipino. Kapag tayo’y nanahimik, iba ang makikinabang,” babala niya.
Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.


