ITINURO ng singer na si Gerald Santos ang musical director na Danny Tan na nanggahasa at umabuso umano sa kanya noong 15 anyos pa lamang siya.
“Ngayon po ay handa ko ng harapin ang tunay kong kalaban. Ang nanghalay at umabuso sa akin noong ako po ay 15 years old pa lamang: si Mr. Danny Tan,” ani Santos sa pagdinig ng Senate committee on public information and mass media.
Sa kanyang statement, sinabi ng singer na pinag-aaralan ng kanyang kampo ang paghahain ng pormal na kaso laban kay Tan.
“Isa pong kaluwagan sa akin ngayon na malaman officially na mayroong ginawa ang GMA laban sa taong aking inakusahan 19 years ago,” dagdag ng singer.
“Kung sana lamang po ay napagbigyan ng aming formal na kahilingan noong February 28, 2011 na kami ay maabisuhan man lamang po sa naging resulta ng imbestigasyon ng GMA ay maaring noon pa po ay nagkalakas sa loob na kami at nakapag-file ng kaso,” pahayag ni Santos.
“Ganun pa man ay maraming salamat po sa GMA sa action po na kanilang ginawa sa complaint na idinulog ko, ang tanggalin sa network ng taong aking inakusahan. Yung resulta pa rin po ng investigasyon na iyon, 19 years ago, ang aming ihilingin na magkaroon kami ng kopya para magamit namin sa pag-build up ng case,” wika pa niya.
Samantala, humingi ng paumanhin ang singer sa GMA dahil sa natanggap nitong puna mula sa publiko.
“Hindi ko po hangad na sirain at dungisan ang magandang imahe at reputasyon ng GMA. Hindi ko po ito laban against GMA kundi sa mga taong gumagawa ng kahalayan at kasamaan,” sabi ni Santos.