AYON kay Iloilo First District Rep. Janette Garin, mali ang intindi ng karamihan sa payo niya sa mga kababaihan na huwag nang mag-undewear kung nasa bahay lang naman.
Paliwanag ni Garin, nagsimula ito nang tanungin siya ukol sa kakulangan ng antibiotics sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga babae na nagkakaroon ng fungal infection.
“May nagtanong na bakit daw dumarami ang fungal infection ng mga babae, bakit daw kinukulang ng antibiotic. Sinagot ko na maling mali ‘yun, kasi kapag may fungal infection ang babae, hindi pwede na antibiotic. Kasi ang antibiotic para sa bacteria. So, kapag uminom ka ng antibiotic at may fungal infection ka, lalong lalala ‘yung iyong fungal infection,” wika niya.
Ani Garin, ang payo niya na huwag nang magsuot ng panty kung nasa bahay o matutulog sa gabi ay para maiwasan ang fungal infection na bunga ng matinding init.
“Dahil tag-init, talagang darami ang fungal infection dahil ‘yang fungi na ‘yan, na tinatawag nating Candida albicans, ay natural na nakatira sa balat ng tao,” sabi ng mambabatas.
‘So lahat ‘yan nasa balat pero kapag ikaw ay may pawis, ‘yung pawis o ‘yung konting basa, ay nagiging trigger para dumami, manganak nang manganak ‘yung fungi, at nagiging impeksyon,” paliwanag niya.
“At nagiging masyadong makati ‘yun, at uncomfortable sa babae kaya ang advice, kapag masyadong mainit ang panahon, prone sa fungal infection ang babae. Kung ikaw naman ay nasa bahay at matutulog, mag-short ka o mag-pajama without the underwear, because that ventilation prevents the rapid multiplication of the fungi that naturally occurs on your skin,” sambit pa niya.