NIRATRAT ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon ang ABS-CBN dahil puro kasinungalingan at paninira umano ang ginagawa ng network.
“Puro kasinungalingan ang ginagawa ng ABS-CBN dapat talagang sunugin ‘yang studio na ‘yan e. Sunugin ‘yung kanilang mga pamamaraan para hindi na nila gawin,” ani Gadon sa panayam ni Terry Ridon ng DWPM Radyo 630.
“Dapat ‘yung ABS-CBN na ‘yan nu’ng binawian ng franchise ‘yan eh… lumipat na kayo ng istasyon dahil ‘yang ABS-CBN na ‘yan, walang kuwentang istasyon ‘yan, puro paninira,” dagdag ng opisyal.
Paliwanag niya, pinalabas sa ulat ng Kapamilya Network na sinabi niya na haka-haka o espekulasyon lamang ang kahirapan sa bansa.
“Isipin mo na isinaksak nila sa bibig ko, na sinabi ko raw e wala nang kahirapan sa Pilipinas kaya naman nag-react itong mga Gabriela at saka ano… walang kuwentang istasyon ‘yan,” sambit niya.
Sa isang panayam, iginiit ni Gadon na “sa mga nagsasabi na napakahirap ng buhay ngayon ay sila lang ang nagsasabi niyan, haka-haka lang nila ‘yan” habang pinupunto ang mga napakaraming tao sa mall at mga bagong sasakyan sa kalsada.
“Ang katotohanan, magpunta ka sa mga mall, punong-puno. Pumunta ka kahit sa mga probinsya, yung mga branches ng [fast food chains], punong-puno. Ibig sabihin, mataas ang purchasing power ng mga Pilipino,” aniya.
“Lumabas ka ng kalsada, napakaraming bagong kotse, napaka-traffic. Anong ibig sabihin niyan? Maraming nakakabili ng kotse, which means maganda ang ekonomiya,” dagdag niya.