NAKUHA ng FPJ Panday Bayanihan party-list ang number 3 spot sa balota matapos isagawa ng Commission on Elections (Comelec) ang electronic raffle para sa numerical arrangement ng 156 magkakatunggaling party-list groups para sa 2025 midterm polls.
Ang No. 3 spot na nakuha ng party-list ay siya ring spot ng yumaong king of Philippine movies na si Fernando Poe Jr., sa opisyal na balota noong 2004 presidential elections.
Pinangasiwaan ng Comelec en banc ang raffle, na ginanap sa Palacio del Gobernador sa Maynila noong Biyernes.
Ikinatuwa naman ng FPJ Panday Bayanihan party-list first nominee Brian Poe Llamanzares, apo ni FPJ at anak ni Senador Grace Poe, ang pagkakalagay sa grupo sa magandang posisyon dahil nga madali itong makikita.
“Nagpapasalamat ako sa biyayang ito. Sigurado akong may kinalaman ang lolo ko (Fernando Poe Jr). Hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa akin! Magsisikap tayo at magdasal na maisulong ang mga prinsipyo ni Da King sa Kongreso.”