NANINIWALA si Bayan Muna chairman Neri Colmenares na ginagamit ng mga generation companies (gencos) ang forced outages o brownout para igiit ang pagtataas ng singil sa kuryente.
Ginawa ni Colmenares ang pahayag matapos magdeklara ng yellow and red alert ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Luzon Grid Lunes matapos pitong gencos ang magpatupad ng forced outages.
“Dati ang palaging palusot nila ay boiler tube leak ano naman kaya ngayon? Sana ay di rin ito banta o pananakot ng mga gencos na kontrolado at kasosyo ng Meralco para ipagkaloob ang hinihingi nilang dagdag na singil sa kuryente. Malinaw itong blackmail kung ganun ang sitwasyon,” sabi ni Colmenares.
Ayon pa sa dating mambabatas, ginagamit ng mga gencos ang desisyon ng Korte Suprema na pumapabor sa mga gencos na magtaas ng power rates gamit ang dahilan ng forced outages.
“Sana ay makita ng Korte Suprema na kailangang baligtarin ang kanilang desisyon at pumanig sila sa mga consumers at di sa mga mayayamang generation companies dahil lalo pang tataas ang singil sa kuryente kapag hindi at hihigpit pa ang pagkakahawak nila sa ating leeg,” dagdag ni Colmenares.