ISINAILALIM sa lookout bulletin ng Department of Justice (DOJ) si dating Presidential Spokesperson Harry Roque at ilan pang indibidwal habang isinasagawa ang imbestigasyon hinggil sa diumano’y pagkakasangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“We can confirm that an Immigration Lookout Bulletin Order (LBO) has been issued by the Department of Justice to the Bureau of Immigration (BI). May 12 po na pangalan doon. Ibig sabihin po ‘yung 12 na individuals na ‘yun ay mamo-monitor ‘yung outbound and inbound travel ho nila,” ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano told.
“Hindi ito nakaka-restrict sa right o karapatan mag-travel pero patitimbrehan lang po ang Immigration at ang DOJ kung lumabas o pumasok sila sa bansa.”
Inilabas ang LBO laban kay Roque at ilang iba pa dahil sa isinasagawang imbestigasyon hingil sa kanila diumano’y link sa sindikato ng POGO, partikular na kay Sandra Li Ong, na nakalabas na ng bansa.
Bukod kay Roque, nasa listahan din sina Xiang Tan, Jing Gu, Stephanie B. Mascareñas, Michael Bryce B. Mascareñas, Zhang Jie, Duanren Wu, Raymund Calleon G. Co, Randel Calleon G. Co, Dennis L. Cunanan, at Han Gao.
Samantala, iginiit ni Roque na wala siyang balak umalis ng bansa at kanyang haharapin ang mga ibinibintang sa kanya.