Ex-convict na walang masilungan, nang-hostage

BALIK-SELDA ang 28-anyos na lalaki na nang-hostage ng senior citizen sa Paranaque City kamakailan, ayon sa pulisya.

Napag-alaman na naburyong ang suspek na si Elias Naraiso, residente ng Caloocan City, dahil wala umano itong mauwian na bahay makaraang makalaya sa kulungan.

Ayon sa hepe ng Parañaque City police station chief na si Col. Melvin Mon­tante, agad namang sumuko sa kanyang mga tauhan si Naraiso.

Bagaman hindi sinaktan ng suspek, dinala pa rin sa ospital ang biktima, dagdag ng opisyal.

Lumabas sa imbestigasyon na dumating sa

Brgy. San Antonio si Naraiso alas-8 ng umaga at pinuntahan ang mga kakilalang sina Melvin Pontillas at Ramon Ebrada para makitira sa kanila pansamantala.

Tumanggi ang dalawa kaya umalis ang suspek.

Sinabi ng pulisya na pumasok ang suspek sa bahay ng biktima, na noon ay natutulog, at naghalungkat ng mga gamit.

Nasaksihan ito ng anak ng biktima na dali-daling lumabas at humingi ng tulong sa otoridad nang makita na may baril ang suspek.

Sumuko ang suspek matapos ang mahigit limang oras na negosasyon sa mga pulis.