UPANG mapalakas ang ugnayan sa pagitan ng mga pangunahing economic hub sa Pilipinas, nagkasundo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida na magtatag ng Luzon Economic Corridor.
Sa joint statement sa trilateral meeting sa Washington DC, inanunsiyo ng tatlong lider ang unang Partnership for Global Infrastructure and Investment Corridor sa Indo-Pacific.
“Today we are launching the Luzon Economic Corridor, which will support connectivity between Subic Bay, Clark, Manila and Batangas in the Philippines,” mababasa sa joint statement.
“We plan to work with multilateral organizations and the private sector to attract quality, transformative investments,” dagdag nito.
Ayon pa sa kalatas, mas mapadadali ang pamumuhunan ng tatlong bansa para sa mga high-impact infrastructure projects gaya ng rail system, modernisasyon ng mga pantalan, malinis na enerhiya at semiconductor, supply chains deployment, agribusiness at civilian port upgrades sa Subic Bay sa pamamagitan ng corridor.
Kaugnay nito, nagpakita naman ng interes ang US International Development Finance Corporation na magbukas ng regional office sa Pilipinas upang matutukan ang pamumuhunan sa bansa.