NANAWAGAN si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa publiko na seryosohing mabuti ang isinasagawang earthquake drill ngayon na sunod-sunod na pag-uga ang naitatala sa iba’t ibang lugar, ang pinakahuli nga ay itong sa Surigao del Sur na 7.4 magnitude Sabado ng gabi.
“Uulitin namin ang paalala sa aming mga kababayan at sa mga LGUs (local government units) na seryosohin ang mga earthquake precautions natin. Awa ng Diyos hindi malaki ang danyos na nangyari sa lindol na ito,” pahayag ni Teodoro nitong Linggo ng gabi.
Pinuri naman ni Teodoro ang Office of Civil Defense sa agaran nitong pagresponde sa nangyaring malakas na lindol na tumama sa Surigao del Sur.
Ipinatutupad ng pamahalaan ang quarterly na earthquake drill bilang paghahanda sa sinasabing “Big One” na posibleng tumama sa Metro Manila.