Du30 hihingi na payo sa dating pangulo ukol sa WPS issue

PLANO ni Pangulong Duterte na konsultahin ang mga dating pangulo ng Pilipinas hinggil sa isyu ng West Philippine Sea imbes na tipunin ang National Security Council (NSC), ayon sa Malacañang.


Ito ang hirit ng Palasyo sa udyok ni dating senador at Armed Forces chief Rodolfo Biazon na sinabing kailangang i-convene ang NSC dahil nakakalito umano ang paninindigan ng administrasyon ukol sa sigalot laban sa China.


“Unang-una, wala pong confusing sa stand ni Presidente sa West Philippine Sea,” giit ni presidential spokesman Harry Roque.


“Ang confusion ay pinapasukan ng politika ng mga kritiko ng administrasyon sa West Philippines Sea,” dagdag niya.


Sinabi ni Roque na ang polisiya ni Duterte hinggil sa China ay pansamantalang isaisantabi ang mga isyu na magdudulot ng hindi pagkakaunawaan at ituloy ang pakikipagkalakal sa nasabing bansa.


“Pero hinding-hindi tayo mamimigay ng teritoryo at paninindigan at pangangalagaan natin ang pangnasyunal na soberenya at ang ating mga sovereign rights,” dagdag ng opisyal.


Sinabi niya na maaari namang magsagawa ng konsultasyon si Duterte nang hindi nagpapatawag ng NSC.


“Actually nabanggit po sa akin iyan ni Presidente. Ang problema doon sa National Security Council, wala naman pong nare-resolve doon sa mga pagkakataon na naka-attend siya,” ani Roque. “So, kung kinakailangan, iniisip niya (Duterte) na imbitahan ang mga dating presidente, ilang personalidad para magkaroon ng isang pagpupulong to discuss the issue.


Hindi naman niya sinabi kung sino-sino sa mga dating pangulo ang iimbitahan ni Duterte.