MULING idiniin ng Department of Trade and Industry na labag sa batas ang “no video, no refund policy” ng mga online sellers.
Ayon kay DTI Assistant Secretary Amanda Nograles, ang nasabing polisiya ay isang “mapanlinlang, hindi patas, at unconscionable sales act o practice,” na isang paglabag sa Republic Act 7394, na kilala rin bilang Consumer Act of the Philippines.
“Yung ‘no return, no exchange’ isa rin ‘yan na ipinagbabawal ng DTI kasi karapatan ng consumer na ibalik ‘yung item na nabili niya kapag ito ay depektibo. Kapag ‘yung item ay depektibo, bukod sa ibabalik ‘yung item, may option din siya na humingi ng replacement o pwede rin siyang humingi ng full refund ng item na binili niya, pwede rin niyang ipa-repair,” paliwanag ni Nograles.
Ipinunto ng opisyal, ang supervising head ng DTI Consumer Protection Group, na ang mapanlinlang na pagbebenta ay maaaring maganap “before, after and during sale.”
“Isang halimbawa ‘yan ng deceptive sales act na nagpapa-video ka bago tanggapin yung item,” dagdag ni Nograles.
Ginagamit ng mga online sellers ang “no video, no refund” policy upang masiguro nila kung depektibo o hindi ang binili ng kostumer. Tanging ang mga may video ng kostumer na tinatanggap at binubuksan ang parcel ang bibigyan ng refund o replacement sakaling sira ang laman nito.