Doc Willie Ong: Hindi ako related kay Cassandra Ong, hindi ako drug lord

NANANAWAGAN ang doktor at health advocate na si Doc Willie Ong sa News 5 ng Kapatid Network na linawin ang ulat kaugnay sa busineswoman na si Cassandra Ong.

Sa Facebook post, pinakaklaro ni Ong sa News 5 na hindi siya ang Willie Ong na kamag-anak ni Cassandra Ong.

“Hindi po tunay na related ako kay Cassandra Ong. Libo-libo ang may apelyidong Ong sa Pilipinas. Hindi rin ako drug lord. Fake news po lahat yan. Matino akong tao. Walang kasalanan kahit kanino. ‘Lord forgive these people and scammers for they don’t know what they do.’ God bless po,” aniya.

Dagdag pa ni Ong, na tumakbong vice president noong 2022, na maglagay ng disclaimer na hindi siya ang Willie Ong na drug lord.

“Dear News5. Kindly remove or put a disclaimer in your previous news article labelling a certain Willie Ong as a drug lord. Please write that this is not Doc Willie Ong, the candidate. Hindi po ako yon. But many believe you because you are TV5,” pahayag niya.

Pakiusap pa niya: “Baka pwedeng ayusin nyo naman ito. Ilan buwan kong tiniis ang libo libong batikos dahil sa reporting ng News5. God bless you.”

Kamakailan ay isinapubliko ni Doc Willie Ong na siya ay may sakit na “sarcoma,” isang rare at agressive na uri ng cancer.

Sumasailalim siya sa chemotherapy sa Singapore.

Nasasangkot si Cassandra Ong, 24, sa isyu ng pagpapatakbo ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Porac, Pampanga. Kasalukuyan siyang humaharap sa pagdinig ng Kamara sa isyu kasama si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.