NAGSUSUMAMO ang viral pares vendor na si Diwata sa mga vloggers na huwag siyang gambalain ng mga ito sa oras ng kanyang trabaho.
Sa video clip na in-upload sa social media ng Mga Ka Pobre, dahil sa walang palyang pag-iinterview sa kanya ng mga vloggers ay hindi na siya makakilos sa kanyang pares stall at hindi na niya nababantayan ang mga tauhan.
“Bigyan n’yo naman ako ng time para makakilos sa tindahan ko kasi ang priority sa akin ang tindahan ko. Paano ko yan maha-handle kung dyan na lang ako nakaharap sa camera ninyo. Tama po ba? Hindi ko na maasikaso. Hindi ko na nga alam kung may nangungupit na,” ani Diwata.
Naghihinanakit din siya dahil kapag hindi napagbigyan ng panayam ang mga vloggers ay sinisiraan siya ng mga ito.
“Kapag sinabi kong mamaya na pero makukulit pa rin kayo. Tapos kapag may nasabi akong masama sa inyo ia-upload ninyo para dumami ang views ninyo. Na kesyo masama ako at may attitude na at lalabas na ang tunay na kulay. Yan ang gusto ninyo di ba? Maraming views para kumita kayo,” paliwanag niya.
Bagamat nagpapasalamat siya sa mga vloggers sa libreng publicity para sa kanyang paresan, nakikiusap siya na irespeto ang kanyang pagtanggi sa mga ito kapag abala siya sa trabaho.
“Kikita kayo sa reach ninyo. Wala naman akong pakialam sa kita ninyo pero sa akin bigyan n’yo naman ako ng time kasi parang hindi na normal. Para makapagtrabaho naman ako. Nagnenegosyo po ako. Kaya sana maintindihan ninyo,” dagdag niya.