GANITO ang tanong ng Human rights lawyer na si Chel Diokno hinggil sa kontrobersyal na pagdinig sa Senado hinggil sa pagkatao ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at kanyang link sa POGO operations.
Ayon kay Diokno, kailangan panagutin si Guo na nagawang makapangampanya, tumakbo sa eleksyon at manalo rito sa kabila ng kuwestyunable nitong citizenship.
“Public office is a public trust whereby officials are accountable to the Filipino people to whom they must serve with integrity. How can we ensure integrity, when we have questionable individuals with unknown birthplace and no records proving they are Filipino serving in the government,” ani Diokno.
Sa isinagawang pagdnig, bigong mapanindigan ni Guo ang kanyang claim na siya ay isang Filipino citizen.
“Sa dami nang lumilitaw na kaduda-duda tungkol kay Alice Guo, ba’t di pa siya nasasampahan ng kaso? Noong si Leila de Lima ang tinarget ng mga politikong kaalyado ni Former President Duterte, sobrang bilis ang pag-file ng kaso laban sa kanya,” giit ng abogado.
“Pero si Guo, wala ni isang criminal case, deadma pa rin ang PNP at DOJ. Kay Senator De Lima pati private life niya kinalkal ng mga mambabatas,” dagdag pa nito.
Hinimok din ni Diokno ang pamahalaan na silipin ang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng alkalde, lalo pa’t ikinikonek siya sa mga sindikato.