INIUTOS ni Pangulong Bongbong Marcos sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na tukuyin ang mga political hotspots sa bansa sa harap ng sunod-sunod na pag-atake sa mga lokal na opisyal, pinakahuli ay ang ginawang pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
“Well, actually ang sinabi ko sa ating Secretary Abalos and the PNP (Philippine National Police) is to now make an examination kagaya ‘yung ating ginagawa kapag darating ang eleksiyon kung saan ang hotspot,” sabi ni Marcos.
Ayon kay Marcos, hindi siya makapaniwala sa pangyayari kung saan maraming sibilyan ang idinamay.
“I couldn’t believe that this still happened. Pinasok ba naman ‘yung sarili niyang bahay. At saka when you see the video, talagang lahat ‘yung basta’t naharap sa kanila babarilin nila. Ilan ang pinatay nila na walang kinalaman doon sa kanilang gulo, kanilang away,” aniya.