GUSTONG makausap ni dating Pangulong Duterte si Pangulong Bongbong Marcos para talakayin ang imbestigasyong kinakaharap ng Sonshine Media Network International (SMNI) kung saan ipinalalabas ang kanyang programang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” na kailan lang ay sinuspinde.
“Ang concern ko lang ngayon is to help my friend, si Pastor Quiboloy, dahil sa totoo lang, itong NTC, wala naman silang nakita… they have not come up even an allegation of any wrongdoing,” pahayag ni Duterte sa media forum sa Davao City Sabado ng gabi.
Noong nakaraang buwan, naglabas ng 30-day suspension order laban sa SMNI ang National Telecommunications Commission (NTC) ng 30-day suspension order.
Ito ay matapos magpalabas ng resolusyon ang Kamara kung saan sinabi nito na nilabag ng network ang ilang probisyon ng prangkisang ibinigay rito.
Nag-file naman ng petisyon ang SMNI sa Court of Appeals na humihiling para magpalabas ito ng temporary restraining order laban sa inisyung suspension order ng NTC.
Nagpalabas din ang Movie and Television Review and Classifications Board (MTRCB) na preventive suspension laban sa dalawang programa sa network.