NAGBANTA si dating Pangulong Rodrigo Duterte na dadanak ng dugo kapag tinangka siyang arestuhin ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Duterte, asahan na magkakabarilan sa pagitan niya at mga taga-ICC dahil hindi umano siya pahuhuli nang buhay.
“Walang pakialam ang ICC sa akin at hindi nila ako mahuhuli talaga. Mahuhuli nila ako, patay. Kung gusto man nilang magtangka pumasok, unahin ko na sila muna,” aniya.
“Wala namang jurisdiction ang mga pumapasok na yan e. Pag pumunta sila dito at arestuhin ako, magkabarilan talaga yan at uubusin ko mga yan,” dagdag ng dating pangulo.
Kaugnay nito, hindi rin hihingi ng tulong si Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa imbestigasyon ng ICC sa umano’y extra judicial killings noong panahon ng kanyang administrasyon.
Punto ni Duterte, sarili niya itong laban dahil hindi pa presidente si Marcos ay inireklamo na siya sa ICC.
“Mr. Marcos has nothing to do with the ICC. As a matter of fact, I am not asking for his help. Hindi ko kailangan si Marcos. Alam ko hindi iyan ang intensiyon ni Marcos na takot-takutin ako na arestuhin ako ng ICC. Sarili ko ito… it started even before him,” pahayag niya.
Bago ito, isiniwalat ni Atty. Harry Roque na tumawag sa kanya si Duterte dahil nalaman nito na aarestuhin na siya ng ICC.