Dialysis center sa Pampanga pinondohan ng PAGCOR

PINASINAYAAN nitong Biyernes, Abril 11, sa bayan ng Guagua ang bagong Pampanga Provincial Dialysis Center I na layong maghatid ng libreng serbisyong medikal sa mga Kapampangan, sa pamamagitan ng tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Mahigit Php90 milyon ang inilaan ng  PAGCOR sa pagbili ng 40 dialysis machines at isang CT scan unit, na inaasahang magpapagaan ang gastusin ng mga pasyenteng Kapampangan na kailangang sumailalim sa regular na dialysis.

Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, ang pagbubukas ng pasilidad ay patunay ng malasakit ng pamahalaan sa mga mamamayan, lalo na sa mga dumaranas ng matinding karamdaman.

“We know how expensive and exhausting dialysis treatment can be not just financially but physically, mentally and emotionally, kung kaya’t ang pagkakaroon ng ganitong pasilidad sa lalawigan ay napakahalaga,” ani G. Tengco.

“Ang mga kagamitang ito ay simbolo ng malasakit ng ating pamahalaan sa mga pasyenteng lumalaban sa hamon ng karamdaman araw-araw,” dagdag niya.

Pinuri rin ng opisyal ang mga health workers na sa likod ng operasyon ng pasilidad, na tinawag niyang “nation’s true heroes” dahil sa kanilang dedikasyon at malasakit sa kapwa.

Dagdag pa niya, ang naturang proyekto ay tumutugon sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapabuti ang serbisyong pangkalusugan sa mga lugar na higit na nangangailangan.

Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si Pampanga Governor Dennis Pineda sa PAGCOR at sa iba pang katuwang sa proyekto.

“We will make sure na lahat ng mahihirap na Kapampangan na magpapagamot po rito, walang kahit anong pera na ilalabas-kahit isang kusing po,” ani Pineda. “Kaya lubos po kaming nagpapasalamat sa lahat ng ahensya ng gobyerno na katuwang namin sa pagsasakatuparan nito.”

Ang Pampanga Provincial Dialysis Center I ay isang stand-alone clinic na itinayo sa ilalim ng public-private partnership. Bukod sa dialysis, nag-aalok din ito ng nutritional counseling, support services, at patient education upang matugunan ang iba pang pangangailangang medikal ng mga pasyente.