NILINAW ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na “taken out of context” ang pahayag na binitiwan niya sa Western Mindanao Change of Command ceremony sa Zamboanga nitong Biyernes hinggil sa diumano’y destabilization effort na ikinakasa ng ilang dismayadong miyembro ng AFP.
Iginiit ni Brawner na wala siyang binanggit na destabilization plot sa kanyang talumpati, kundi anya may narinig lang siyang mga ugong na mga destabilization efforts.
“Pag sinabi nating plot, parang plano na ito na ie-execute na lang. Ang sinabi ko during my statement was that may mga naririnig tayo na mga ugong-ugong ng mga destabilization ‘efforts’. ‘Yun yung specific word na ginamit ko. So, I did not use the word ‘plot’,” ayon sa opisyal.
Giit pa nito, paalala anya lang ang pokus ng kanyang pahayag sa miyembro ng AFP, na manatiling tapat sa sinumpaang tungkulin.
Nauna nang itinanggi nina Armed Forces of the Philippines Spokesperson Colonel Medel Aguilar at National Security Adviser Eduardo Año, na mayroong destabilization plots laban sa administrasyon ni Marcos at mali lang anila ang pag-unawa ng marami sa sinabi ng AFP chief of staff.