ILANG araw makaraan ang umano’y marahas na pagsalakay ng pulisya sa Kingdom of Jesus Christ (KJC) compound sa Davao City para dakpin si Pastor Apollo Quiboloy ay inalis sa puwesto si Brig. Gen. Aligre Martinez bilang director ng Davao Police Regional Office (PRO 11).
Ayon kay PRO 11-Public Information Office chief Maj. Catherine Dela Rey, inilipat si Martinez at ang dalawang pang opisyal na sina Brig. Gen. Ronald Lee at Col. Edwin Portento sa Directorate for Personnel and Records Management.
Pinalitan si Martinez ni Brig. Gen. Nicolas Torre III, na mula sa PNP Communications and Electronics Service.
Habang kapalit naman ni Lee bilang hepe ng Directorate for Operations si Brig. Gen. Nicolas Salvador, na mula sa Directorate for Plans.
Papalit naman sa babakantihing puwesto ni Salvador si Brig. Gen. Lex Ephraim Gurat, na mula sa National Capital Region Police Office.
Tinanggal din sa pwesto ang siyam na tauhan ng CIDG, dalawang tauhan ng SAF, at isang tauhan ng traffic enforcement unit na pawang bahagi ng operasyon.
Ani PNP PIO acting chief at spokesperson Col. Jean Fajardo, posibleng magdagdagan pa ang mga matataganggal sa puwesto sa mga susunod na araw.
Isinagawa ang balasahan, ani Fajardo, upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa pagsilbi ng warrant of arrest laban kay Quiboloy.
“They were administratively relieved to give way sa gagawin nating imbestigasyon kung nagkaroon nga ba ng lapses, nagkaroon nga ba ng pagmamalabis, nagkaroon nga ba ng negligence of supervision,” sabi ni Fajardo.
“Titingnan natin ‘yung manner ba ng pagse-serve ng warrant ay naging tama. Wala ba tayo na-violate doon sa POPs. So itong administrative relief…ay para magbigay daan para i-assess, i-evaluate at imbestigahan kung ano po bang nangyari noong June 10 that led to this issue na nagkaroon ng mga ganitong usapin na overkill ‘yung ginawa ng PNP,” dagdag niya.
Matatandaan na nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga tagasuporta ni Quiboloy at mga pulis na nagsilbi ng arrest warrant noong Hunyo 10.