Dalagita binugbog ng lady cop sa selos

ARESTADO ang isang lady cop at kamag-anak niyang menor de edad makaraan nilang pagtulungang bugbugin ang 15-anyos na dalagita na umano’y girlfriend ng live-in partner ng pulis sa Bago Bantay, Quezon City.

Nahaharap sa kasong slight physical injuries ang mga suspek habang tinutugis pa ang kamag-anak nilang si Gerald Ramos, 18, ng Palawan st. Brgy. Sto. Cristo, na tumulong din sa panggugulpi sa biktima.

Ayon sa ulat, kinumpronta ng lady cop ang biktima nang mahuli niya ito na lumalabas sa isang apartelle sa Congressional Ave., Project 8 kasama ang live-in partner ng parak alas-4:30 ng madaling araw.

Sinampal at tinadyakan umano ng lady cop ang biktima bago isinakay sa kotse at pinalo ng baril sa ulo.

Dinala ng mga suspek ang biktima sa isang bahay sa Palawan st. kung saan binugbog ito ng tatlong suspek hanggang sa mawalan ng malay.

Nagawa namang makatakas ng biktima at makahingi ng tulong sa mga tanod sa lugar.