PAGTAAS ng sweldo ang nakikita ng maraming Pilipino na pinakamahalagang isyu na dapat tutukan ng pamahalaan, ayon sa pinakahuling survey ng Octa Research.
Batay sa “Tugon ng Masa on Urgent National and Personal Concerns of Adult Filipinos” para sa ikaapat na quarter ng 2025, 45 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing pangunahing alalahanin nila ang pagpapabuti at pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa.
Ayon sa Octa, ito ang pinakamalaking pag-angat ng naturang isyu mula pa noong Marso 2024.
Nalampasan na ng usapin sa sahod ang pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, na ngayon ay ikalawang pinakamalaking alalahanin sa 41 porsiyento.
Mula pa noong unang quarter ng 2022, presyo ng bilihin ang palaging nangungunang isyu ng mga Pinoy.
Ayon sa Octa, malinaw sa resulta ng survey na nananatiling sentro ng mga alalahanin ng publiko ang usaping pangkabuhayan, lalo na ang sahod, implasyon at trabaho.
Kasama rin sa mga pangunahing alalahanin ang pagkakaroon ng abot-kayang pagkain (30 porsiyento), paglaban sa katiwalian sa gobyerno (29 porsiyento), at libreng at de-kalidad na edukasyon (28 porsiyento).
Sa personal na antas, nanguna pa rin ang pananatiling malusog at pag-iwas sa sakit na binanggit ng 68 porsiyento ng mga kalahok. Isinagawa ang survey noong Disyembre 3 hanggang 11, 2025 sa 1,200 respondent, na may ±3 porsiyentong margin of error.


