SIMULA sa Huwebes, Hunyo 15, ipatutupad ng North Luzon Expressway (NLEx) ang dagdag singil sa toll na P7 hanggang P98 matapos aprubahan ng Toll Regulatory Board ang hiling na itaas ang toll fee sa nasabing expressway.
Sa advisory, simula sa Hunyo 15, dagdag P7 ang sisingilin ng NLEx sa Class 1 vehicles gaya ng kotse, jeep, van at pickup) habang ang Class 2 (bus at light trucks) ay dagdag P17 at P19 naman para sa Class 3 vehicles gaya ng heavy at trailer trucks.
Ito ay para lang sa NLEx’s open system mula sa toll gate ng Balintawak, Caloocan, Mindanao avenue hanggang sa Marilao, Bulacan.
Mula naman sa Marilao hanggang Sta. Ines sa Mabalacat City, Pampanga, dagdag P26 ang singil sa Class 1, P65 para sa Class 2, at P77 para naman sa Class 3.
Sa Subic-Tipo, dagdag P4 naman ang kailangan ilabas para sa Class 1, P8 para sa Class 2, at P11 para sa Class 3.
Nangangahulugan nito, kung ang biyahe ay end-to-end, tataas sa P332 ang kabuuang toll mula sa kasalukuyang P299 para sa Class 1; P829 mula sa kasalukuyang P748 para sa Class 2; at P995 mula sa kasalukuyang P897 naman sa Class 3.