SINISI pa ni Agriculture Senior Secretary Domingo Panganiban ang mga magsasaka ng Batanes dahil sa mga nakatenggang 25 metric tons na bawang sa lalawigan na hanggang ngayon ay hindi mabili.
Ayon kay Panganiban, hindi muna inalam ng mga magsasaka ang merkado na siyang pagbabagsakan ng kanilang produkto.
“Ang problema nasa farmer rin dahil tanim sila nang tanim hindi nila iniisip ang sitwasyon na mangyayari kagaya ng bawang sa Batanes. Tanim sila nang tanim as regular crop during this season. They are capable of planting pero hindi nila iniisip yung palengke. Dapat isipin muna nila ang palengke kung meron ba silang pagdadalhan bago sila magtanim ng kanilang produktong dapat itanim,” sabi ni Panganiban sa isang panayam sa radyo.
Nauna nang sinabi ni Batanes Gov. Marilou Cayco na maaaaring mabulok na lamang ang 25 metric tons na bawang sa lalawigan kung hindi mabenta.
Ayon kay Cayco, sa kabuuang 50 metric tons na bawang na kailangang ibenta ng mga magsasaka, 25 metric tons lamang ang nabili kayat binili na lamang ng provincial government ang natitirang 25 metric tons para matulungan ang kanyang mga kababayan.
Idinagdag ni Cayco na nasa bodega pa rin ang mga biniling bawang ng lokal na pamahalaan habang hinahanapan ng buyer.