INUNGKAT ni veteran showbiz columnist at host na si Cristy Fermin ang mga naitulong niya sa aktres na si Bea Alonzo, na inireklamo siya ng cyber libel kamakailan.
Sa kanyang programang “Cristy Ferminute,” sinabi ni Cristy na nang magsampa ng kaso si Bea ay parang ibinasura ng aktres ang mga nagawa niyang pagtatanggol rito sa mga kinasangkutang isyu noon.
“Ako po ang nagbigay ng proteksyon sa kanya, ako po ang nagtanggol. Kinalaban ko ang lahat para lang mabigyan ko siya ng magandang pagtalakay at opinion,” giit ni Cristy.
“Sa dinamidami po ba ng magagandang nagawa sa buhay na ito na tayo’y namumuhunan ng ating pangalan, ating kredibilidad, ang ating opinion at maaring sabihing nakagaganda sa isang personalidad, ‘yun pong lahat ng ‘yun kapag siya po ba ay nakarinig ng isang bagay na hindi niya gusto at masama sa kanyang panlasa, lahat po ba ng magandang ginawa tungkol sa kanya ng taong nagtanggol sa kanya sa pinakamahabang panahon ay ibabasura na lamang?” dagdag ni Cristy.
“Yun lang po ang aking katanungan na gusto kong marinig naman ang (sagot),” sambit pa niya. “Makipagkilala po muna tayo sa salitang ‘maraming salamat po’ bago po tayo magreklamo.
Pinayuhan din niya si Bea na bigyan ng halaga ang mga “taong tunay na nagmamalasakit at nagmamahal” sa kanya.
“At dapat intindihin ninyo ang aming propesyon dahil kami po ay tagapagtawid at tagalatag ng mga balita, hindi maari na ang gusto n’yo lang ang aming sabihin,” pagdidiin pa ni Cristy.
Nitong Huwebes ay nagtungo si Bea sa Quezon City Prosecutors Office upang magsampa ng magkakahiwalay na reklamong cyber libel laban kina Cristy, Ogie Diaz, kabilang ang mga co-host sa kanilang online shows.
Ayon sa kampo ng aktres, isinampa nito ang reklamo dahil sa diumano’y “false, malicious, at damaging information” na ibinahagi nina Cristy, Ogie at iba pa sa kanilang programa.