LUSOT na sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagsusulong ng constitutional convention na siyang magbibigay-daan para maamyendahan ang Saligang Batas.
Layunin ng House Bill number 7352 na maipatupad ang Resolution of Both Houses No. 6 na nananawagan ng Con-Con.
Sa ilalim ng panukala, kakatawan bilang miyembro ng Con-Con ang mga ihahalal at itatalagang opisyal mula sa kada distrito na pipiliin sa pamamagitan ng isang eleksyon na isasagawa sa Oktubre 30, 2023.
Nauna nang ipinagtanggol ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang pagsusulong ng charter change sa pagsasabing kinakailangan ito para maamyendahan ang mga economic provision ng Konstitusyon.
Si Rodriguez ang pinuno ng House committee on constitutional amendments. Nauna namang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na tutol ang mayorya ng mga senador sa charter change.