Comelec sa DA: P20 rice program ipatupad pagkatapos ng election

UMAPELA ang Commission on Elections (Comelec) sa Department of Agriculture na patapusin muna ang eleksyon bago ipatupad ang P20-per-kilo rice program ng pamahalaan.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia na bagamat suportado na niya ang inisyatibong ito, kailangan anyang huwag muna itong ipatupad ngayon upang hindi maakusahan na ginagamit ito para sa politika.

“They plan to distribute PHP20 rice in the Visayas starting May 1. We’re simply asking that the next rollout happen after the elections to avoid any claims of political motivation,” ayon kay Garcia.

Matatandaan na noong isang linggo ay pinayagan ng Comelec ang request ng DA na i-exempt ang programa sa election ban sa ilalim ng Section 261 (V) ng Omnibus Election Code, para ipatupad ang rice program.

Ayon naman sa Palasyo, tutugon sila sa panawagan ng Comelec na ihinto muna ang bentahan ng P20 kada kilong bigas.

“Kung iyon po ang magiging panukala at polisiya po ni Comelec chair, tayo naman po ay tutugon,” ani Presidential Communications Office Undersecretary at Palace press officer Claire Castro sa press briefing ngayong MIyerkules.