TULOY na ngayong Lunes ang gagawing panghuhuli ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga unconsolidated na jeep.
Sasabayan naman ito ng mga transport groups ng tatlong araw na strike.
Ayon LTFRB chairperson Teofilo Guadiz, sasabayan ng kanyang mga tauhan ang protestang gagawin ng mga tsuper sa kalye.
Gayunman, inabisuhan niya ang mga ito na siguraduhing dala ang kanilang mga prangkisa sa sandaling lumabas sa kalye kasama ang kanilang mga jeep.
Matatandaan na itinakda ng pamahalaan ang Abril 30 bilang deadline para sa consolidation, na sinundan ng 15-day grace period.
Sa sandaling hindi makapag-consolidate, ire-revoke ng LTFRB ang kanilang mga prangkisa.
Samantala, nanindigan ang transport group Manibela (Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon) na isusulong nito ang karapatan at kabuhayan ng kanilang mga miyembro.
“Sa darating na Hunyo 10 hanggang 11 o 12, muli tayong kumilos, lumabas at lumapag sa ating mga hanay, upang ihayag ang panggigipit ng DOTr-LTFRB sa kasangkapan ng MMDA sa panghuhuli,” ayon sa pahayag ng Manibela.
Ayon sa pinakahuling tala, nasa 30,500 ng 49,500 public utility jeepneys sa Metro Manila ang naiconsolidate habang 81 porsiyento naman nationwide.
Sinabi naman ng Manibela may 17,000 jeepney ang hindi consolidated sa Metro Manila.