Coco, Vhong sanib-puwersa sa ‘madugong’ action series

PLANONG gumawa ni Coco Martin ng limited action series, na inilarawan niya na

“mas madugo, mas brutal, mas sagad,” kasama ang host-comedian na si Vhong Navarro.

Sa isang panayam, sinabi ni Coco na malaki ang kaibahan ng proyekto na nakalaan sa streaming platform kumpara sa napapanood na mga serye niya sa telebisyon.

“May binubuo akong konsepto with Vhong Navarro. Medyo mabigat. Action, suspense drama at saka comedy. Pero sabi ko kasi, iba ang atake nang paggawa ng series, sa ibang platform kesa sa mga teleserye,” sey ni Coco.

“Ito mas madugo, mas brutal, mas sagad. Dapat unexpected, dapat first episode pa lang mapakapit mo na agad ‘yung mga viewers. Kaya sabi ko, ‘yung hindi ko nagagawa sa ‘Batang Quiapo,” dito sasagarin namin ‘yan,” dagdag niya.

Hindi rin predictable ang kuwento ng binubuo niyang limited series.

“Alam ko ‘pag nagsama kami, alam ko na ‘yung iisipin ng mga tao, na action-comedy ‘yan. Hindi. Iibahin ko. Iba ang character niya (Navarro). Iba ang istorya,” paliwanag ni Coco.