Cobra gumala sa bakuran

NALAMBAT ng mga otoridad ang isang  Philippine Cobra sa bakuran ng bahay sa Naga City, Camarines Sur kamakailan.

Ayon sa ulat, naispatan ang cobra na may habang 1.5 metro sa Brgy. San Felipe.

Sa takot ng mga residente ay agad humingi ng tulong ang mga ito sa barangay.

Agad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Naga City Environment and Natural Resources Office (ENRO) para sagipin ang ahas.

Ayon kay Alex San Jose, hepe ng Watershed Management Division ng Naga City ENRO, na angkop na tirahan ng mga ahas ang lugar kaya marami ang mga engkwentro sa mga ito ng mga residente.

Idinagdag ng ENRO na mas marami pang makikitang ahas ngayong tag-ulan dahil nagagambala ng tubig-baha ang kanilang mga tirahan.

Pinayuhan naman ni San Jose ang publiko na huwag tangkaing hulihin, patayin o saktan ang mga ahas, lalo kung wala silang karanasan. Sa halip, aniya, obserbahan ang mga ito saka ipagbigay-alaman sa kanilang tanggapan.