CoA kinalampag Bataraza LGU sa Palawan, inusisa sa kuwestyunableng projects

KINALAMPAG ng Commission on Audit (CoA) ang lokal na pamahalaan ng Bataraza sa Palawan dahil sa diumano’y maanomalyang kontratang pinasok nito sa mga pribadong contractors.

Pahiwatig ng CoA, posibleng madali ang muncipal government ng Bataraza ng kasong graft at bidding malpractice, base na rin sa 2023 audit findings.

Ayon sa report ng ahensiya, natuklasan ang ginawang “contract splitting” ng Bataraza, isang ipinagbabawal na gawain sa ilalim ng Republic Act No. 9184 o ang Government Procurement Reform Act.

Ginawa umano ito sa pamamagitan ng paghahati-hati ng malalaking transaksyon sa mas maliliit upang hindi na dumaan sa public bidding.

Partikular na tinukoy ng ahensya ay ang ginawang pagbili ng LGU ng fuel, oil at lubricant (FOL).

Ayon sa CoA, sa halip na pagsama-samahin sa ilalim ng isang Annual Procurement Plan, pinaghiwa-hiwalay ng LGU ang naging proseso gamit ang kani-kanilang Project Procurement Management Plans.

Dahil dito, itinuring ng munisipyo ang mga transaksyong ito bilang maliliit na proyekto na isinailalim sa alternative modes tulad ng direct contracting o shopping, imbes na idaan sa legal na proseso ng public bidding.

“It clearly circumvents the thresholds that require public bidding and undermines the intent of procurement laws,” ayon sa report ng CoA.

Bukod sa contract splitting, nadiskubre rin ng ahensya ang hindi pagsunod ng munisipyo sa itinalagang timeline para sa mga proyektong pang-imprastruktura.

Sa maraming pagkakataon, 10 araw lamang ang pagitan ng paglalathala ng Invitation to Bid at ng aktwal na open-bid—kalahati ng 20-araw na minimum na itinatakda ng batas.

Dahil dito, pahayag ng CoA, nabawasan ang pagkakataon ng iba pang potensyal na supplier at kontraktor na makilahok sa bidding.

Kabilang sa apektadong proyekto ay ang concreting ng farm-to-market roads at pagtatayo ng water system sa iba’t ibang barangay.

Ibinunyag din ng CoA na bahagi ito ng mas malawakang problema ng maling pamamahala sa pondo na nakita rin sa audit ng 2022 at 2023.

Ilan sa mga paglabag ay ang sobrang pagdeklara ng cash balances, mga hindi na-liquidate na cash advance na umabot sa mahigit P13 milyon, at ang maling paggamit ng development funds sa mga proyektong hindi naka-align sa programa ng national government.

Dahil dito, inirerekomenda ng CoA ang muling pagrepaso ng lokal na pamahalaan ng Bataraza sa kanilang procurement process.