Cita Astals nagpakita sa ‘Home Along Da Riles’ reunion; cast emosyonal

BUMAHA ng luha sa reunion ng mga dating cast ng “Home Along Da Riles” sa pagdating ni Cita Astals.

Sa Instagram ay ibinahagi ni Claudine Barretto ang ilang eksena sa get-together ng mga tauhan sa 1990s hit sitcom.

Yakap at halik ang isinalubong kay Cita ng mga miyembro ng Cosme family, na pinangungunahan ni Claudine.

“Welcome back, Cita Astals!” ani Claudine. “The family was lost for a while, but now it’s back.”

“Lahat sila nagtatanong where’s Tita Cita. Finally noong nakita ko ‘yung reaction nung mga kapatid ko sa ‘Home’ sila Tita Nova nandoon pa rin ‘yung closeness, nandoon pa rin ‘yung warm ng bawat isa,” sabi naman ni Maybeline dela Cruz.

“Noong niyakap namin siya, parang kahit na walang salita na lumalabas, naiintindihan namin. Naiintindihan namin siya,” segunda ni Smokey Manaloto.

“Ito na, paunti-unti, pa kumpleto na kami,” dagdag ni Claudine.

“The family was lost for a while, but now it’s back,” sambit ni Gio Alvarez.

Gumanap si Cita bilang si Hillary Lagdameo, ang mabait at maunawaing boss ni Kevin Cosme, ang papel na ginampanan naman ni Comedy King Dolphy.

Napanood ang “Home Along Da Riles” sa ABS-CBN mula December 1992 hanggang August 2003.