SUGATAN ang dalawang babae nang hagisan ng pampasabog ng riding-in-tandem ang isang chapel sa Purok Bagong Silang, Brgy. RH sa Cotabato City noong Linggo ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Rosita Tobil, isang senior citizen, at Marites Atis, 37, kapwa residente ng nasabing barangay.
Nagtamo ng mga sugat sa paa ang dalawa at ginamot sa ospital.
Ayon sa ulat, inaawit ng ilang residente ang “Ama Namin” sa isang fellowship sa Sto. Niño Chapel alas-11:55 ng umaga nang huminto ang mga suspek na sakay ng motorsiklo at maghagis ng pampasabog.
Agad na tumakas ang mga suspek makaraan ang pagsabog.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pag-atake sa kapilya at ang uri ng pampasabog ng ginamit ng mga suspek.
Kapwa kinondena ng lokal na pamahalaan at ng isang grupo ng mga Muslim ang pangyayari.
“Huwag matakot, labanan natin ang karahasan! Sinusubok na naman ng mga halang ang kaluluwa ang kapayapaan at kaayusan ng Cotabato City,” ani Mayor Bruce Matabalao.
“pagpapakita lamang ito ng kawalan ng takot sa Diyos dahil hindi man lamang ginalang ang bahay sambahan ng mga kapatid nating Katoliko. Inatasan ko na ang barangay at ang ating kapulisan na kunin sa lahat ng paraan ang mga suspek. Sa may alam sa pagkakakilanlan ng mga salarin, may malaking reward tayong ibibigay,” dagdag niya.