SUGATAN ang dalawang bumbero sa sunog ba tumupok sa chapel at mga paupahan sa Malate, Maynila ngayong araw ng Lunes.
Ayon kay Fire Senior Supt. Christine Cula, District Fire Marshal ng BFP-Manila, nasugatan ang isa niyang tauhan at isang volunteer.
“Naka-receive na sila ng treatment. ‘Yung isang bumbero natin kailangan matahi ‘yung sa injuries niya sa mukha,” ani Cula.
Base sa inisyal na imbestigasyon, limang istraktura, kabilang ang chapel, ang napinsala ng sunog na nagsimula bandang ala-1 ng madaling araw.
Ilan sa mga naabo ay mga paupahan sa mga seafarers.
“So far ‘yung number of establishments umabot tayo ng lima. Meron tayo kapilya na nadamay, ‘yung iba ay mga paupahan at bahay naman,” ani Cula.
Umabot sa ikalimang alarma ang sunog bago naapula alas-2.
“Medyo masisikip ang area natin at kailangan natin ng mas maraming tubig” paliwanag ng opisyal.
Nag-umpisa ang apoy sa kuwarto na inuupahan ng mga seafarers. Ayon sa mga residente, nakakita sila ng electric spark sa kisame bago sumiklab ang apoy at nilamon ang bahay.
Aabot sa 10 pamilya o 30 indibidwal ang nawalan ng tirahan dahil sa pangyayari.
Tinataya namang aabot sa P500,000 ang structural damage.