NAGKUNWARING nainis si Pasig City Vice Mayor Vico Sotto sa mga netizens na pinintasan ang kanyang cellphone dahil sa kalidad ng mga pino-post niya na video sa social media.
Nitong weekend ay ipinost ng alkalde sa TikTok ang video kung saan ipinaliliwanag niya ang paraan ng pamamahagi ng pamaskong regalo ng lungsod sa mga Pasigueño.
“Pasko na! Pamaskong Handog na! Tatlong dahilan kung bakit ganito ang estilo ng pamamahagi ng pamaskong handog sa lungsod ng Pasig. Kung saan nagbabahay-bahay po tayo straight to the doorstep ng bawat pamilya ng konting pandagdag sa Noche Buena natin tuwing kapaskuhan,” pahayag ni Mayor Vico.
Ayon sa alkalde, ginagawa ito ng lungsod para magbigay ng saya sa kanyang mga nasasakupan.
Dagdag niya, simbolo rin ito ng pagpapakita ng pagkakapantay-pantay ng lahat sa mata ng gobyerno. Ginagawa rin niya ito bilang testing ground para sa iba’t ibang inobasyon ng lokal na pamahalaan.
Marami ang natuwa at nagpasalamat sa pamaskong handog ng siyudad pero may mangilan-ngilan na biniro si Mayor Vico sa hindi kagandahang kalidad ng video.
Hirit ng netizens:
“Hintayin natin kung may 13th month pay sya. Baka mapalitan na ang cellphone.”
“Cctv ba naman ginamit pang video.”
“Parang sa cctv sya ng munisipyo nagrecord ng video HAHAHAHAHAHAHAHA.”
“Bossing Vic mayaman ka naman regaluhan mo naman cellphone si Vico hahahahaha.”
“Net cafe webcam days masyado si yorme vico.”
“Aano po gcash nyo, para mag #PisoParaSaBagongCellphoneNiMayorVico na kami” HAHAHAHA.”
Naggalit-galitan naman ang alkade makaraang mabasa ang mga komento ng publiko.
Sey niya: “Dami kong magandang sinabi pinagtatawanan niyo phone ko!!😤😤😤.”