SINAMPAHAN na ng reklamo sa Cebu City Prosecutor’s Office ang transgender na si Jude Bacalso kaugnay sa pagpapatayo at paninita nito sa waiter na tinawag siyang “sir” noong Hulyo.
Isinampa nitong Miyerkules sa piskalya ang mga reklamong unjust vexation, grave scandal, grave threats, grave coercion, at slight illegal detention laban kay Bacalso ng abogadong si Ron-Ivan Gingoyon, ang counsel ng waiter.
Hindi pinangalanan ng PUBLIKO ang waiter dahil sa pakiusap ng abogado.
Ayon kay Gingoyon, naghain na rin sila ng kaso sa Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa Ulli’s, ang restaurant kung saan naganap ang pamamahiya ni Bacalso sa waiter.
“Dole (Department of Labor and Employment) conducted a labor inspection on July 23 and found multiple labor standards violations,” pahayag ng abogado sa isang panayam.
Matatandaan na nag-viral sa social media noong Hulyo ang isang post kung saan pinatayo umano nang dalawang oras ang waiter dahil sa pagtawag sa kanya nito ng “sir.”
Sa kanyang reklamo, sinabi ng waiter sa Bisaya na, “Jude didn’t inflict any physical harm, although I was still very afraid because he might decide to physically assault me since I could see that he was very upset.”