SIBAK bilang Commissioner ng Bureau of Immigration si Norman Tansingco bunsod ng mga anomalya sa ahensya, kabilang na rito ang kontrobersyal na pagtakas sa bansa ng dismissed na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Inaprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang rekomendasyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tanggalin sa pwesto si Tansingco, ayon kay Communications Secretary Cesar Chavez.
Sa isang panayam, sinabi ni Remulla na tuluyan na siyang nawalan ng tiwala at kumpiyansa kay Tansingco dahil sa mga anomalyang nangyayari sa kanyang bureau, kabilang na ang kaso ni Guo at ang pagbibigay ng visa sa mga pekeng korporasyon.
Una na anya niyang kinalampag si Tansingco sa mga alegasyon hinggil sa working visa na ibinibigay sa mga pekeng korporasyon para makapagtrabaho sa illegal gambling operation sa bansa.
Hindi umano kumilos si Tansingco, ayon kay Remulla.
Dumalo pa si Tansingco sa hearing sa Senado, at anya hindi pa niya alam ang pagkakasibak sa kanya.