‘Bully ng Pasig’ inireklamo; nag-sorry pero…

SINAMPAHAN na ng reklamo ang estudyante na nanampal at nagpaluhod sa isang kaeskwela sa labas ng kanilang paaralan.

Bukod sa nasabing bully, inireklamo rin ng pamilya ng biktima ang mga kaibigan ng suspek na pinanood ang pananakit.

Sa viral video, makikita ang biktima na nakaluhod habang sinasampal at pinagbabantaan ng suspek.

Hindi kinilala ang suspek at biktima.

Inilarawan ng mga otoridad ang suspek na nasa edad 16.

Sa isang Facebook post, humingi ng tawad ang suspek sa biktima.

“Taos pusong humihingi ng pasensya at kapatawaran sa aking nagawa,” umpisa niya.

Itinuro naman niya ang biktima na nag-umpisa umano ng away.

“Linawin ko lang po ito, nagkatitigan kami, inangasan niya ako at tinitigan ng matagal, wala po akong ginagawa sa kanyang masama,” wika nito.

“Sabi ko lang po ay mag-sorry siya kaso ayaw niya hanggang sa tinawag ko na yung grupo ko, siya po yung kusang lumuhod hindi ko po siya inutusan. Ipinaliwanag ko po sa kanya na umayos siya,” dagdag niya.